Sumasailalim ngayon sa pagsasanay ang mga Pinoy scientist at business development specialist mula sa Department of Science and Technology (DOST) kaugnay sa paggamit ng agham at teknolohiya partikular sa mga resulta ng pananaliksik para maging oportunidad para sa komersyo at kalakalan.
Ilan sa mga research ng mga kalahok sa pagsasanay ay ang dengue diagnostic kit para sa early detection, isang biomedical device para sa de-kalidad na serbisyong medikal sa mga liblib na lugar sa bansa at ang shrimp-pathogen detection para sa mga nag-aalaga ng hipon.
Ang walong araw na pagsasanay ay gaganapin sa Royal Academy of Engineering (RAE) sa United Kingdom. Ito’y bahagi ng Leaders in Innovation Fellowship program ng RAE sa pakikipagtulungan ng DOST at Asian Institute of Management (AIM).
Pagkatapos ng pagsasanay, ang mga siyentipiko at business development specialist ng DOST ay patuloy na makakatanggap ng suporta sa Pilipinas para mas lalo pang malinang ang kanilang kasanayan sa pagnenegosyo at paggawa ng mga business plan gamit ang kanilang pananaliksik.
Tags: Asian Institute of Management, dengue, DOST, pathogenic, research project, Royal Academy of Engineering, science and technology, scientist, shrimp