METRO MANILA – Umabot sa 5.2% ang unemployment rate o katumbas ng 2.6 million na mga Pilipino ang walang trabaho nitong buwan ng Hulyo 2022 batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Mas mababa ito kaysa 5.7% o 2.76 million na walang trabaho noong Abril, at higit na mas mababa kumpara sa 7.2% unemployment rate noong hulyo ng nakaraang taon.
Isa naman sa dahilan ng pagtaas ng bilang ng may trabaho sa bansa ay ang pagluluwag ng restrictions dahil sa pagbuti ng COVID-19 situation sa bansa.
Ayon kay National Statistician and Civil Registrar General Usec. Dennis Mapa, ang 5.2% na unemployment rate nitong July 2022 ay pinakamababa mula nang magka pandemya.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, bahagi pa lamang ito ng nakikitang direktang epekto ng economic recovery strategy ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Samantala, sa pagdinig sa 2023 proposed budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa House of Representatives kahapon (September 8), inihayag ni Secretary Bienvenido Laguesma na tinutukan nila ang pagtulong sa mga nasa business sector upang mapadali ang pagnenegosyo sa bansa na makatutulong naman sa paglikha ng mga trabaho.
Nirerepaso din aniya nila ang mga palatuntunan o department order para matiyak ang kapakanan ng mga manggagawa.
(Dante Amento | UNTV News)