Mga Pilipino, dapat maging bukas sa pinirmahang MOU ng Pilipinas at China – Justice Carpio

by Radyo La Verdad | November 27, 2018 (Tuesday) | 8034

Umani ng sari-saring batikos ang paglagda ng Pilipinas sa isang memorandum of understanding (MOU) sa China para sa posibilidad na magkaroon ng joint oil exploration sa West Philippine Sea (WPS).

Pero ayon kay Supreme Court acting Justice Antonio Carpio, dapat maging bukas ang mga Pilipino tungkol dito.

Sa ilalim ng kasunduan, ang Pilipinas ang magbibigay ng pahintulot sa mga service contractors na nais maging bahagi ng nasabing oil and gas exploration.

At bagaman kilalang masugid na bumabatikos at tumututol sa pag-aangkin ng China sa WPS si Justice Carpio, wala aniyang dapat ikabahala tungkol dito.

Pero tutol naman dito si dating Solicitor General Florin Hilbay na isa sa mga nagtanggol sa kaso ng Pilipinas laban sa China sa arbitral tribunal sa The Hague Netherlands.

Dapat aniyang busisiin ng Kongreso ang kasunduan upang siguruhin na hindi dehado ang mga Pilipino sa magiging paraan ng joint exploration sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa kabila naman ng pagiging bukas sa kasunduan sa China, naniniwala si Justice Carpio na hindi pa rin dapat magpaka-kampante sa mga galaw ng China lalo na’t unti-unti na itong nagtatayo ng mga pasilidad sa pinagaagawang karagatan.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,