Mga pasaherong nag-layover lang sa 21 bansang sakop ng travel ban, papayagang makapasok ng Pilipinas

by Erika Endraca | January 4, 2021 (Monday) | 3923

METRO MANILA – Pwede nang makapasok ng Pilipinas ang mga pasahero na merong connecting flights sa 21 bansa na sakop ng travel ban.

Sa inilabas na statement ng Bureau of Immigration noong Sabado (Jan. 2), sinabi Commissioner Jaime Morente na base sa bagong panuntunan, papayagan nang makapasok ng pilipinas ang mga pasahero na meron lamang connecting flights o nag layover sa mga bansang kasali sa travel ban.

Pero yan ay sa kondisyon na hindi sila lalabas ng airport o hindi sila dadaan sa clearance ng immigration doon.

Kinakailangan rin na walang silang travel history sa mga nasabing mga bansa sa nakalipas na 14 na araw bago ang kanilang pagdating sa Pilipinas.

Muli namang ipinaalala ng Bureau of Immigration na bagaman exempted sa travel ang mga uuwing Pinoy, kinakailangan pa rin nilang sumailalim sa swab testing at makumpleto ang 14-day mandatory quarantine.

Samantala nilinaw naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hindi kasama sa 14-day mandatory quarantine ang mga OFW na uuwi mula sa mga bansa na hindi naman kasali sa travel ban.

Mananatili pa rin ang dating protocol kung saan pwede nang makalabas ng quarantine hotel ang isang OFW sa oras na lumabas ang negative result ng kanyang swab testing.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: ,