Isasailalim pa rin ng PNP Aviation Security Group sa dokumentasyon ang mga makikitaan ng isang bala ng baril sa mga bagahe sa mga paliparan bagamat hindi na kakasuhan ang mga ito.
Sa panayam ng programang Good Morning Kuya, sinabi ni PNP Aviation Director PSSupt. Mao Aplasca, na pagkatapos ng documentation at makumpiska ang bala ay saka palang paaalisin ang pasahero upang umabot sa kanyang flight.
Kung mahigit naman sa isang bala ang makuha ay isasailalim nila sa profiling ang pasahero upang malaman kung may masamang intension ito sa pagdadala ng mga bala.
Magkakaroon din sila ng assessment sa security procedure at sistema sa loob at labas ng NAIA.
Titimbangin din kung dapat na magkaroon ng pulis sa may scanner at xray area.
Matatandaang ipinahayag ng bagong general manager ng Manila International Airport Authority Ed Monreal na hindi na kakasuhan ang mga pasahero na mahuhulihan ng isang bala sa bagahe.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: mga pasaherong mahuhulihan ng bala, PNP Aviation Segurity Group