Mga pasahero sa NAIA Terminal 3, maagang dumating para makaiwas sa traffic

by Radyo La Verdad | November 13, 2017 (Monday) | 2249

Naging maagap ang mga pasahero na sasakay ng eroplano sa Ninoy Aquino International Airport dahil marami sa kanila ang maaga palang ay nasa airport na upang hindi maiwan ng kanilang flight.

4 hanggang 6 na oras bago ang flight ng mga ilang mga pasahero ay nasa airport na sila. Mas pinili pa nilang maghintay ng matagal sa airport kaysa maiwan ng eroplano dahil sa traffic. Anila, ito ay dahil natapat sa ASEAN Summit ang kanilang mga scheduled flight kung kaya’t nag-adjust din sila ng oras.

Sa ngayon tuloy-tuloy na ang dating ng mga pasahero para mag check-in sa domestic at international flight.

Sa flight advisory ng NAIA ngayong araw, November 13, nakansela ang biyaheng Manila to Legaspi flight 5J 321 at Legaspi to Manila flight 5J 322 dahil umano sa masamang panahon.

Una naring nag-abiso ang Cebu Pacific sa kanilang twitter account na asahan na ang pagkakaroon ng delayed flights mula November 12 hanggang 15 dahil sa ASEAN Summit activities.

Sa ngayon wala pa namang mahabang pila sa mga chek-in counters pati sa mga entrance dito sa NAIA Terminal 3, una naring nag-abiso ang DILG kahapon sa mga pasahero lalo na sa mga sasakay ng eroplano na kung maaari ay nasa airport na apat na oras bago ang nakatakdang flight.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,