Iilang araw na lamang ang natitira sa holiday season subalit marami pa rin ang humahabol na makauwi ng probinsya, ang katunayan dagsa pa rin sa Araneta bus terminal ang mga pasahero na magbabakasyon bago matapos ang taong 2015.
Sampung libong pasahero ang inaasahan ngayong lunes ayon sa Araneta Bus Terminal Management, at madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw.
Problema pa rin ang pagbili ng ticket dahil karamihan sa mga bus ay fully booked na.
Nagbabakasakali ang karamihang pasahero na makakasakay pauwi sa probinsiya kahit na chance passenger.
Nakadagdag pa sa pahirap sa mga pasahero ang madalang na dating ng mga bus kaya inaabot pa ng ilang oras bago sila makasakay.
Tuloy pa rin ang inspection na ginagawa ilang ahensya ng pamahalaan upang masiguro na maayos at ligtas ang paglalakbay ng mga pasahero
Mula noong nakaraang linggo hanggang ngayong araw, sa mahigit dalawang daang driver na isinailalim sa drug test, dadalawa lamang ang nag- positibo sa ipinagbabawal na gamot.
Taliwas ito noong Nobyembre na mahigit sa sampu ang nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa ahensya, malaki ang naitulong nito upang mabawasan ang aksidente sa lansangan
Ayon sa LTFRB, hangga’t marami silang nakikitang pasahero ay tuloy ang drug testing.
Samantala, epektibo pa rin ang hanggang sa susunod na linggo ang mga bus permit na inisyu ng LTFRB.
Ito ay bilang paghahanda sa paguwi naman ng ating mga kababayan pabalik ng metro manila mula sa mga probinsya.
(Mon Jocson/UNTV News)
Tags: Araneta Bus Terminal Management, holiday season, LTFRB