Iprinisinta kanina ng mga transport group at ilang non-government organization ang nakikita nilang mga pamamaraan upang masolusyunan ang krisis sa traffic dito sa Metro Manila.
Kaalinsabay ito ng ikalawang pagdinig ng Senado sa panukalang emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang dito ang carpooling o ride sharing.
Sa tala ng Uber Ph, umaabot sa halos tatlong daang libong pasahero ang sumasakay sa uber kada araw, kaya naman malaking bilang ng mga sasakyan ang mababawas sa mga lansangan, sakaling maaprubahan ang kanilang panukala.
Para naman sa Management Association of the Philippines, mainam na magkaroon ng mga floating bridge at karagdagang overpasses na magsisilbing alternatibong daanan ng mga tao at mga motorista.
Kabilang din sa mga tinalakay kanina ang ilang mga problema sa provincial at city buses na dumaraan sa EDSA na sinasabing nakadaragdag sa matinding traffic.
Sa datos ng MMDA tinatayang nasa mahigit tatlong libong provincial buss ang araw-araw na dumaraan sa EDSA.
Habang nasa 4,800 city buses naman ang mayroong franchise at maaring bumiyahe rito sa Metro Manila.
Kaugnay nito, pinag-usapan rin kanina ang plano ng DOTr na pagpapatayo ng tatlong bus terminal na ipoposisyon sa FTI Taguig, Coastal Baclaran, at sa may bahagi ng Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.
Layon ng proyekto na gawing sistematiko at madisplina ang mga bus sa loading at unloading system.
Target naman ng Senado na madesisyunan ang panukalang emergency powers bago matapos ang taon.
(Joan Nano / UNTV Correspondent)
Tags: iprinisinta sa Senado, Mga paraan upang masolusyunan ang matinding traffic sa Metro Manila