Mga panuntunan kaugnay ng ipinatutupad na mas istriktong GCQ sa Metro Manila, nilatag ng Malacañang

by Erika Endraca | August 20, 2020 (Thursday) | 14935

METRO MANILA – Inanunsyo ng Malacañang ang mga paiiraling regulasyon sa mas istriktong General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila kaugnay rekomendasyon ng Metro Manila mayors.

Kabilang dito ang pinagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila na pagkaroon ng unified curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

“Dito po sa Metro Manila, uniform curfew from 8pm to 5am. Mayroon pong di masasakop ng uniform curfew na ito, Manila, Muntinlupa at Pasig dahil kinakailangan po nilang amyendahan yung kanilang ordinansa na nagsasabing ang curfew ay 10pm pero nagcommit naman po ang mga alkalde ng siyudad ng Maynila, Muntinlupa at Pasig na gagawin nilang 8-5 din ang curfew nila. ” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Bukod dito nilinaw din ng palasyo na hindi pa pinahihintulutan ang operasyon ng ibang negosyo kahit niluwagan na sa GCQ ang community quarantine sa NCR.

Mananatiling sarado ang mga gyms, internet cafes, review at tutorial centers at iba pang establisyemento.

“Yung mga negosyo pong nag-ooffer ng personal care, aesthetic procedures and services bukod po sa mga salons at barbershops, mga gyms/fitness studios, sports facilities, testing and tutorial centers, review centers, internet cafes, drive-in cinemas, pet grooming services ay mananatili pong sarado, sarado po itong mg establisyementong ito sa ilalim po ng GCQ.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Ang mga pagtitipon kabilang na ang may kaugnayan sa relihiyon ay limitado lamang sa 10 tao.

Bagaman bukas na ang mga salons, barberya at restaurants, ang mga lokal na pamahalaan naman ang tutukoy sa pahihintulutang maximum capacity ng mga ito.

Nasa diskresyon naman ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng quarantine passes.

Samantala ang pagsusuot ng face shields bukod sa face masks ay kinakailangan na sa mga commercial spaces, indoor workplaces at public transport.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,