Mga panukalang batas sa Agrikultura at Social Welfare, uunahin ni incoming Sen. Imee Marcos

by Radyo La Verdad | June 1, 2019 (Saturday) | 16397

METRO MANILA, Philippines – Sa kabila ng mga isyung ibinabato sa kanya, nakuha ni incoming Senator Imee Marcos ang ika-walong pwesto sa Senatorial Race sa nakalipas na halalan matapos makakuha ng mahigit sa 15 milyong boto.

Sa programang Get It Straight with Daniel Razon, sinabi nito na kung siya ang tatanungin ay nais niyang pamunuan ang Senate Committee on Social Welfare maging ang Local Government.

Ilan sa mga unang ipapanukala nitong batas ay ang Land Reform Program kung saan ipamamahagi ng libre ang lupa sa mga magsasaka;

Ang Anti-terror Bill para sa pagpapanatili ng Peace and Order kahit na walang Martial Law; ang pag-amiyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps kung saan gagawin na itong Cash for Work gayun din ang pagpapababa sa halaga ng SMS o text message.

Suportado rin nito ang pagtatatag ng Department of Water para tumugon sa problema sa tubig sa bansa.

Dapat din aniyang mabigyan pa ng karagdagang atensyon ang mga solo parent dahil mahirap ang dinadaanan ng mga ito sa pagpapalaki sa mga anak.

Susuportahan din nito ang pagbuhay sa Death Penalty para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Isusulong din nito ang mga programa sa agrikultura para mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Bagama’t supporter ng Duterte administration si Marcos, hindi aniya siya basta sasabay na lamang sa agos.

Ilan sa tinututulan nito ay panukalang gawing mandatory ang ROTC.

“Hindi mo naman pwedeng pilitin pag ganun. Experience namin noong kabataang barangay, ok lang yung tree planting coastal clean-up, yung mga ganun ayos lang yun. Pero yung pagiging sundalo ibang usapan kasi.”Ani Incoming Senator Imee Marcos

Tutol din ito sa pagtataas ng buwis sa tobacco lalo’t karamihan ng taniman nito sa bansa ay nasa kanilang rehiyon sa Ilocos.

“Dati kasi lahat ng sin taxes sabay-sabay. Pag may dagdag sa sigarilyo may dagdag din sa alak, may dagdag din sa sugal. Lahat ng sin taxes ang tawag. Pero ngayon bakit yung tobacco 2, 3 beses na pinagpipilitang itaas yung iba hindi tinataas.” Ayon kay Incoming Senator Imee Marcos.

Hindi narin prayoridad ni Marcos ang pagbuhay sa Nuclear Power Plant sa bataan na ipinatayo ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Mayroon naman aniyang mas ligtas na alternatibong mapagkukunan ng enerhiya gaya ng wind mill na itinayo nila sa Ilocos.

“Well ok sana kung nandyan. Pero wala ng laman eh hindi na sulit.” Ani Marcos.

Nais din nitong palawigin ang mga termino ng mga Barangay official at isabay na lamang din ang halalan ng Barangay Officials sa 2022.

Plano rin ni Marcos na magkaroon ng reporma sa Sangguniang Kabataan.

Suportado rin niya ang pagtatatag ng departamento na tututok sa pangangailangan ng mga Overseas Filipino Worker.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , ,