Makababalik na sa kanilang mga tahanan ang ilang evacuees sa Marawi City. Simula October 29 at 31 maaari ng makauwi ang mga residente sa barangay Basak Malutlut, Poblacion at East Basak, Marawi. Susunod na rin ang ilan pang mga barangay na hindi apektado at hindi nasira ang kanilang mga bahay.
November 3 ang nakatakdang pag-uwi ng nasa 6,469 na pamilya na unang batch na makakabalik sa mga controlled areas.
Nakahanda naman ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa kanilang ayuda. Ilan sa mga programang kanilang inihanda ay ang Supplementary Feeding Program, 4P’s cash for work at patuloy na pagbibigay ng relief goods.
Ayon kay DSWD Officer Incharge Emmanuel Leyco, mayroon sapat na pondo ang ahensiya para tugunan ang pangngailangan ng mga evacuee.
Maglalagay ang DSWD ng opisina sa Marawi na bukas 24 oras na siyang mangangasiwa upang agad na matugunan ang problema o kakulangan ng mamamayan.
Tiniyak ng ahensiya na mapupunta sa tama ang perang nakalaan para sa mga internally displaced persons at hindi na aniya maulit ang nangyaring katiwalian gaya ng sa bagyong Yolanda.
Humingi naman ng paumahin ang ahensya sa mga evacuee na hindi agad nabigyan na tulong ng ilang linggo lalo na ang mga home based o yung nakitira sa kani-kanilang mga kaibigan at kaanak.
( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )
Tags: DSWD, Marawi, residenteng babalik