Mga pananim at ilang lugar sa Casiguran, Aurora, binaha

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 17804

Bahagyang humina na ang buhos ng ulan dito sa Casiguran, Aurora ngunit nananatili pa ring malakas ang ihip ng hangin. Mula pa kaninang madaling araw ay nakaranas na ng malakas na pag-ulan ang munisipalidad.

Sa lakas ng hangin, ilang kubo at istraktura ang nabuwal. Hindi rin nakaligtas sa malakas na hangin ang mga poste at kable ng kuryente.

Binaha na rin ang ilang lugar sa Casiguran, kabilang na ang mga palayan. Maging ang mga kalabaw at baka ay tila hindi na makawala sa lalim ng tubig sa bukirin.

Lubog naman sa baha ang national road sa Barangay Calangcuasan dahil sa pagtaas ng tubig sa ilog, dinagdagan pa ang lakas ng alon ng dagat.

Ito lamang ang nag-iisang kalsada na patungo sa sentro ng Casiguran, Aurora, ang mga truck at bus ang nakakadaan sa baha. Walang magawa ang maliliit na sasakyan kundi ang maghintay na humupa ang tubig.

Ayon sa tricyle driver na si Jerry Balbero, ngayon lang uli nila narasan ang ganitong kalamidad na nagdulot ng malawakang pagbaha sa bayan.

Ang kalsada naman sa Baler-Dipaculao-Casiguran Road, nagbagsakan naman ang malalaking tipak ng bato na pilit na tinatanggal ng mga sundalo.

Ang ilang residente naman sa coastal area ng Casiguran ay nananatili pa rin sa kanilang mga tahanan sa kabila ng malakas na alon at hangin na dulot ng Bagyong Rosita.

Nananatili namang walang suplay ng kurtente ang buong bayan mula pa kagabi, ang ilan ay umaasa lamang sa baterya at generator.

Wala pang katiyakan kung kailan babalik sa normal ang suplay ng kuryente.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,