Pormal nang ipinahayag ng grupo ng mga panadero na hindi sila magtataas sa presyo ng tinapay hanggang matapos ang taon
Ayon sa Filipino Chinese Bakery Association, suportado nila ang panawagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi itaas ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.
Sa ngayon ay nasa 35 piso ang presyo ng Pinoy tasty at 21 piso naman ang presyo ng kada sampung piraso ng Pinoy Pandesal
Dagdag ng grupo, bahagi rin ito ng kanilang corporate social responsibility sa mga consumer.
Ayon sa mga panadero, mababa ang presyo ng trigo at harina na siyang pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay.
Pero anila, mataas naman ang asukal na siyang pangalawang pangunahing sangkap ng tinapay at maging ang gasolina na ginagamit sa pagluluto nito.
Dahil dito, aminado ang mga panadero na hindi rin nila makokontrol ang presyo ng ibang mamahaling brand ng tinapay. Kung magkaroon man daw ng paggalaw sa presyo, minimal lamang ito.
Ang mahalaga raw ay hindi gagalaw ang presyo ng mga tinapay na palaging binibili ng mga consumer gaya ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal. Ikinatuwa naman ng DTI ang tugon ng mga panadero sa kanilang panawagan.
Ayon sa DTI, hindi makatwiran na magtaas ng presyo ang mga panadero.
Nanawagan naman ang mga consumer group na maisama sa expanded suggested retail price (SRP) ang mga branded na tinapay upang maproteksyunan rin ang mga consumer sa pang-aabuso ng pagtataas ng presyo.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: DTI, Pinoy Tasty, SRP