Mga pampublikong ospital sa bansa isinailalim na sa code white alert bilang paghahanda ngayong undas

by Radyo La Verdad | October 28, 2015 (Wednesday) | 1178

GARIN
Bilang paghahanda sa mga medical emergency ngayon undas, isinailalim na ng Department of Health ang lahat ng mga pampublikong ospital sa buong bansa sa code white alert simula October 30 hanggang November 3.

Nangangahulugan ito na isang daang porsiyento ng mga medical team sa bawat ospital ay naka-standby para sa anumang medical emergency.

Kaugnay nito nagpaalala rin si Health Secretary Janet Garin sa publiko na iwasang bumili ng mga pagkain at inuming ibinebenta sa paligid ng mga sementeryo upang hindi mabiktima ng food poisoning at diarrhea.

Ayon sa kalihim, mas makabubuti pa rin kung magdadala na lamang ng baon upang masigurong ligtas at malinis ang mga pagkain

Bukod pa rito nagbabala rin ang kalihim hinggil sa mga sakit na posibleng makuha sa sementeryo tulad ng dengue at leptospirosis

Ipinapayo rin ng DOH sa ating mga kababayan na kung maari huwag ng isama sa sementeryo ang maliliit na mga anak at mga matatandang may sakit, upang maiwasan ang pagkahawa sa iba pang mga sakit at virus na posibleng makuha sa matataong lugar.

Samantala, muli namang namahagi ang DOH ngayon myerkules ng insecticide treated screen sa Parang Elementary School bilang bahagi pa rin ng kampanya kontra dengue sa mga komunidad.

Sa huling datos ng DOH, nasa dalawampung libong rolyo na ng ITS ang naipamahagi sa iba’t-ibang pampublikong eskwelahan sa bansa, partikular na sa mga lugar na may naitalang mataas na kaso ng dengue at sa mga lalawigan na sinalanta ng bagyong lando.

Hanggang nitong October 3, 2015, umaabot na sa mahigit isang daang libo ang kaso ng dengue na naitala sa bansa, kung saan nasa mahigit tatlong daan na ang namamatay

Mas mataas ito ng mahigit sa tatlumpu’t isang porsyento kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

kaya naman patuloy pa rin ang DOH, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagsusulong ng mga programa upang masugpo ang dengue. ( Joan Nano / UNTV News )

Tags: ,