METRO MANILA – Ikinatuwa ni Acting Presidential Spokesperson Carlo Nograles ang datos na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba sa 45% ang mga pamilyang Pilipino na nagsasabing sila ay mahirap.
Ayon sa resultang inilabas sa survey ng SWS noong buwan ng Setyembre, bumaba sa 45% ang mga pamilyang nagsasabi na sila ay mahirap kumpara sa 48% noong buwan ng Hunyo. Nakapagtala rin sila na 34% ng mga pamilya ang nasa “borderline poor” samantalang ang nalalabing 21% ng mga respondents ay nagsasabing hindi sila mahirap.
Sa 45% na mga pamilyang nagsabi na sila ay mahirap, 34% sa mga ito ay galing sa Metro Manila, 38% naman ng mga respondent ay galing sa Luzon, 54% naman ay galing sa Visayas, at 58% ay mula sa Mindanao.
Isinagawa ang survey ng SWS sa mga pamilyang Pilipino mula September 12 hanggang September 16, taong kasalukuyan.
Ayon kay Nograles, ang pagbaba ng bilang na ito ay dahil sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya sa kalagitnaan ng pandemya. Dagdag pa rito ang patuloy na pagsasagawa ng mga bakunahan kontra COVID-19 na siyang makatutulong sa ligtas na pagbabalik-trabaho upang mabawasan ang antas ng kahirapan.
(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)