Mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao Massacre, umaasang makakamit na ang hustisya sa susunod na taon

by Radyo La Verdad | November 23, 2018 (Friday) | 21829

Mula Davao City ay lumuwas pa ng Maynila si Nanay Juliet upang gunitain ang pagkamatay ng kaniyang anak na si Jolito, isa sa mga editor ng UNTV Gensan na nasawi sa Maguindanao massacre.

At sa pag-ikot ni Nanay Juliet sa National Museum of Anthropology upang balikan ang kasaysayan ng bansa, hindi niya maiwasang balikan din ang ala-ala sa huling araw na nakita niya ang kaniyang anak.

Ngunit kinaumagahan, nagulat na lamang siya nang mabalitaang isa ang kaniyang anak sa 58 indibidwal na naging biktima ng pagpatay sa Maguindanao.

Kasama si Jolito sa mediamen na nagconvoy sa filing ng certificate of candidacy (COC) ng noo’y tumatakbong gobernador ng lalawigan na si Esmael “Toto” Mangudadatu.

Ayon sa abogado ng mga biktima na si Atty. Gilbert Andres, nakapagsumite na ng formal offer of evidence ang pangunahing akusado sa mga kaso na si Andal Ampatuan Jr.

Nakapaghain na rin ng oposisyon dito ang prosekusyon at hinihintay na lamang magiging desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.

Ngunit tila mailap pa rin umano ang hustisya dahil higit 70 pa sa 198 akusado ang hanggang sa ngayon ay nakalalaya pa rin. Umaasa rin ang Department of Justice na madedesisyonan na ang kaso sa susunod na taon.

Samantala, tiniyak naman ng Malacañang na mananaig pa rin ang hustisya at ang rule of law para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.

Iginiit din ng Duterte administration na ginagawa ng pamahalaan ang lahat upang mapabilis ang desisyon sa mga kaso.

Tapos na ang paglilitis ng Quezon City RTC sa mga kaso, pero wala pang itinakdang araw si Judge Jocelyn Solis-Reyes para sa pagbasa ng magiging sentensiya sa mga akusado.

Patuloy namang umaasa si Nanay Juliet na makakamit din nila ang hustisya.

Ganito rin ang dasal ni Erlyn Umpad, asawa ng nasawing cameraman ng UNTV na si Macmac Arriola.

“Habang buhay pa ako, ako ang makikipaglaban para makamtan namin iyong hustisya kasi gaano kahirap na mawalan ng ama, tapos makita mo iyong anak na lumalaki“. – pahayag ni Erlyn Umpad

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,