Mga paliparan sa bansa, naka alerto dahil sa zika virus na mula sa Latin America

by Radyo La Verdad | February 3, 2016 (Wednesday) | 1697

ZIKA-VIRUS
Naka alerto na ang buong Ninoy Aquino International Airport hinggil sa advisory ng World Health Organization kaugnay ng zika virus.

Katulong ng Manila International Airport Authority ang Bureau of Quarantine sa pagmomonitor sa mga pasaherong dumadating sa mga paliparan

Sa memorandum na inilabas ng Bureau of Quarantine sa lahat ng health screening counter, nakasaad na kailangang maghigpit ang mga medical officer sa lahat ng mga pasahero na dadating mula sa ibang bansa

Nasa memo rin ang listahan ng mga bansa na apektado ng zika virus kabilang na ang mga bansa sa South America at South East Asia

Gamit ang mga thermal scanner, madaling makikita ng Bureau of Quarantine kung nilalagnat ang isang tao.

Kabilang ang pagkakaroon ng mataas na lagnat sa mga sintomas ng zika virus.

Siniguro rin ng MIAA na malinis ang paligid at inaalis ang mga bagay na maaring pamahayan ng lamok.

Sa NAIA 1, may mga advisory para sa mga pasahero tungkol sa MERS COV at Ebola, subalit wala pang guidelines na binibigay ang Bureau of Quarantine hinggil sa zika virus

Wala namang travel restriction na ipinapatupad ang World Health Organization sa alin mang bansa

Pinayuhan lamang ng W-H-O ang mga maglalakbay patungo sa mga bansang may zika virus na maging maingat lalo na sa kagat ng lamok.

(Mon Jocson/UNTV News)

Tags: , , , ,