Mga paghahanda sa banta ng missile attack ng North Korea, itinuro sa mga Pilipino sa Hawaii

by Radyo La Verdad | October 25, 2017 (Wednesday) | 27123

Tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang paghahanda ng mga Pilipino sa Hawaii sa bantang ballistic missile strike ng North Korea.

Noong October 12, nagsagawa ng presentation ang Hawaii Emergency Management Agency o HEMA sa Philippine Consulate sa Honolulu.

Bahagi ito ng kanilang education campaign upang bigyang kaalaman ang mga residente sa Hawaii sa mga nararapat gawin kapag may missile attack.

Ayon kay Hawaii Emergency Management Agency Administrator Vern Miyagi, hindi kinakailangang maalarma ng mga residente lalo na ng mga Pilipino sa ginagawang paghahanda.

Kabilang sa mga tinalakay sa nuclear preparedness briefing ng HEMA ay ang labing dalawa hanggang labing limang minutong paglikas papunta sa mga shelter ng mga residente at turista kapag narinig ang attack-warning siren. Paghahanda ng disaster kit na sasapat sa dalawang linggo. Maging ang pag-identify ng mga ligtas na shelter o gusali na maaaring pagtaguan ng mga residente.

Ayon sa State Emergency Operation Plan, sa kasalukuyan ay walang umiiral na mga shelter sa isla.

Ayon naman kay Hawaii Emergency Director and Adjutant General Hawaii National Guard Maj General Arthur Logan na Bagamat mababa lang tyansa ng missile attack ng Pyongyang, nakahanda naman ito na depensehan ang kanilang teritoryo.

Ayon sa mga Pilipino na nakadalo sa presentation, ibabahagi nila ang kanilang natutunan sa kanilang mga kababayan at mahal sa buhay.

Sa susunod na buwan ay magsasagawa ng emergency siren test ang mga otoridad dito sa Hawaii, upang malaman ang kahandaan ng mga residente kapag may paparating ng ballistic missile sa isla.

 

( Cherie Pama / UNTV Correspondent )

Tags: , ,