Nagsagawa na ng imbentaryo ang PNP Highway Patrol Group sa traffic law enforcement resources ng Metro Manila Development Authority, Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na siyang magiging katuwang nila sa pangangasiwa ng traffic sa buong Metro Manila.
Itoy bilang paghahanda sa deployment nila bukas sa kahabaan ng EDSA, Mabuhay Lanes at mga arterial road.
Kasama sa mga inimbentaryo ng IACT ang mga patrol vehicle,patrol motorcycles, tow trucks at mga communication equipment.
Simula bukas, mayroong 300 tauhan ng HPG at tatlong daan at limampung MMDA enforcer ang itatalaga sa EDSA upang magmando at bantayan ang mga motorista.
Isa sa kanilang tututukan ang mga pampublikong sasakyan na madalas nagiging sanhi ng obstruction dahil sa pagsasakay ng mga pasahero sa hindi tamang lugar.
Kaya naman sinabi ni HPG Director PSSupt Antonio Gardiola na asahan na ang pagbabago sa edsa simula bukas.
Nagpahayag naman ng suporta ang ibat ibang ahensya ng pamahalaan na kasapi ng IACT.
Kapag inumpisahan naman ang phase 2 o ang pagmamando ng traffic sa buong Metro Manila, nakahanda ang MMDA na magdeploy ng mahigit sa 2300 tauhan habang 400 naman sa HPG.
Bumuo na rin ang IACT ng Interagency Counter Intelligence na magbabantay naman sa kilos ng mga enforcers upang mahuli ang mga mananamantala at mangongotong sa mga motorista.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: Mga pagbabago EDSA, sisimulan nang ipatupad ng IACT bukas