Nakipagpulong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Director Guillermo Eleazar kay Commission on Higher Education Officer-in-Charge Prospero De Vera III noong Sabado kaugnay sa isyu ng umano’y Red October o tangkang pagpapatalsik sa pwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte at ang ginagawang recruitment umano ng New People’s Army (NPA) sa ilang paaralan sa bansa na tinukoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Inatasan umano ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde si Eleazar na makipag-usap sa pamunuan ng mga naturang pamantasan tungkol sa isyu lalo na at labingwalo sa mga ito ay nasa Metro Manila.
Ayon kay Eleazar, makikipag-ugnayan si De Vera sa mga naturang pamantasan upang makapagtakda ng pag-uusap sa pagitan ng mga ito at ng PNP.
Tiniyak naman niya na sa kabila ng naturang isyu, mananatili umano ang PNP sa pagpapatupad ng batas kabilang ang pagrespeto sa mga civil rights ng mga estudyante maging ng mga eskwelahan.
Papayagan pa rin umano ang mga ito na magsagawa ng mapayapang pagpoprotesta kung nais ng mga ito.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )