Mga paaralan na lalahok sa pilot limited face-to-face classes sa Nov., bumaba na lang sa 30

by Radyo La Verdad | October 20, 2021 (Wednesday) | 4096

Mula sa inisyal na limamput-siyam (59) na mga paaralan na  lalahok sa pilot implementation ng face-to-face classes, 30 na lamang ang matutuloy sa November 15, matapos na umatras ang ilang mga eskwelahan .

Aminado ang Department of Education na nahihirapan silang kumpletuhin ang higit isangdaang paaralan para sa pilot run ng limited face-to-face, lalo’t may mga magulang na ayaw pa ring papasukin ang pisikal ang kanilang mga anak sa mga eskwelahan dahil sa pa rin sa takot na mahawa ng Covid-19.

“Noong nag-report ang mga regional directors natin yung 59 na yun ang makakapagpatuloy lang ay 30 kase nga yung iba ayaw na ng LGU, umatras na sila, ‘yung iba ayaw ng magulang o ‘yung iba tumaas ang cases (Covid),” ani Asec. Malcolm Garma, Department of Education.

“Ang crucial kasi dito ang behaviour ng Covid-19, pag aandar yan si Covid-19 then we have to go back to our numbers again,” pahayag ni Sec. Leonor Briones, Department of Education.

Sa update ng DEPED, tatlong paaralan na lamang sa region 5 ang tutuloy sa face-to-face classes, tatlo sa region 6, walo sa region 7, walo rin sa region 9, anim sa region 10, at dalawa sa region 12.

Ang mga nasabing paaralan  ay magmumula sa probinsya ng Masbate, Antique, Cebu, Zamboanga Sibugay, Zambuanga del Sur, Lanao del Norte at North Cotabato.

Bagaman umatras ang 29 na eskwelahan, patuloy pa rin ang assessment ng DEPED sa mga paaralan para mapunan at makumpleto ang target nitong 120 schools bago ang simula ng face-to-face classes sa Novermber 15.

Ayon kay DEPED Assistant Secretary Malcolm Garma, higit apatnapung eskwelahan (40) ang patuloy nilang bina-validate na nais ring makilahok sa physical classes.

Samantala, nag-abiso narin ang DEPED sa mga pribadong eskwelahan na nais makilahok sa physical classes na hanggang sa October 22 nalang ang submission ng requirements para sa face-to-face classes.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: , , ,