Mga Paalala sa araw ng halalan kaugnay sa panahon at lindol

by Radyo La Verdad | May 10, 2019 (Friday) | 9009

METRO MANILA, Philippines –  Ihanda ang mga payong at iba pang pananggalang sa init at ulan sa araw ng halalan dahil umulan man o umaraw ay mapapakinabangan ito.

Base sa pagtaya ng PAGASA, iiral ang Intertropical Convergence Zone o ITCZ na magdudulot ng makulimlim na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao sa Lunes.

Magbaon ng mga bota ang mga nasa bahaing lugar para makaiwas narin sa sakit gaya ng leptospirosis.

Good weather naman ang Northern at Central Luzon kung saan maaaring maitala ang mataas na temperatura lalo na sa Dagupan City, Tuguegarao City at Isabela.

Tinatayang mahigit sa 40°C ang heat index sa mga nasabing lugar kaya’t magbaon ng tubig para makaiwas sa dehydration at heat stroke.

Magsuot din ng komportable at light-colored na damit para makabawas sa init na mararamdaman sa katawan.

Magbaon na rin ng pamatid gutom gaya ng biskuwit dahil bawal ding tumanggap ng pagkain mula sa mga kandidato.

Base sa contingency plan ng COMELEC kapag lumindol, titiyakin ng Philippine National Police na walang maiiwang botante sa loob ng polling precincts dahil prayoridad parin ang kaligtasan ng mga ito.

Ang mga Board of Election Inspectors naman ang naatasang mag- secure ng mga vote counting machines at mga balotang naipasok na sa mga makina.

Ang malinaw aniyang mangyayari sakaling magkaroon ng kalamidad ay pagpapaliban ng isang halalan o pagde-deklara ng failure of elections depende kung gaano kalala ang epekto nito.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,