METRO MANILA – Nagbigay ng direktiba ang Department Of Health (DOH) sa mga ospital at treatment facilities na paghandaan ang posibilidad ng pagtaas ng kaso ng Covid-19 ngayong holiday season.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kinakailangang paigtingin ang kapasidad ng mga treatment facilities dahil sa pinangangambahang pagtaas ng infecitons.
”Hihingin natin ang commitment ng mga ospital, lalo na ang pribadong ospital, na maglaan po ng sapat na bilang ng kama at mechanical ventilators para po mapaghandaan natin ang sapat ng posibleng surge in the Covid caseload.” ani DOH Sec. Francisco Duque III.
Bukod dito, hinikayat din ng kalihim ang mga lokal na pamahalaan na maghanda ng sapat na isolation beds sa kanilang treatment at monitoring facilities.
Inihayag naman nito na mananatili ang operasyon ng Covid-19 testing laboratories sa bansa kahit holiday season.
Nagpaalaala ulit ang doh na mahigpit na sundin ang minimum health standards, iwasan ang mga kantahan, salo-salo, at hindi hinihikayat ang paggamit ng torotot.
Muli namang umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na unawain at sundin ang mga patakaran ng gobyerno kontra Covid-19 ngayong holiday season.
Iwasan ang mga party at matataong lugar at sa halip ay manalangin.
”In the meantime, what should we do is to pray for our country and pray for those who sick.” ani Pang. Rodrigo Duterte.
(Rosalie Coz | UNTV News)