Marami nang natatanggap na impormasyon si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y mga anomalya sa Energy Regulatory Commission.
Bunsod nito, nais ng pangulo na magbitiw sa pwesto ang mga opisyal ng ERC.
Pakikiusapan din niya ang kongreso na i-dissolve ang ERC at i-aatas ang reorganization nito.
Nilinaw naman ni Pangulong Duterte na hindi kasama sa kaniyang pinagbibitiw ang mga karaniwang empleyado ng komisyon.
Kaugnay nito, nais kausapin ni ERC Chairperson Jose Vicente Salazar ang pangulo pagbalik nito mula sa lima, peru upang bigyang-linaw ang mga kontrobersyang kinakaharap ng komisyon ngayon.
Tiniyak naman ni Salazar na ginagalang nito ang mga naging pahayag ng pangulo at handa siyang makiisa sa isasagawang imbestigasyon sa isyu.
Hiniling din nito sa Commission on Audit ang agarang imbestigasyon sa mga alegasyon ng dating director ng ERC na si Atty. Francisco Villa Junior.
Si Villa na pinuno ng Bids and Awards Committee ng ERC ay sinasabing nagpakamatay noong November 9 dahil umano sa matinding pressure sa kanya na aprubahan ang ilang procurement at hiring contract kahit hindi dumaan sa proper procedure at bidding.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)