Kinuwestyon ng mga senador ang mga opisyal ng Bureau of Customs sa pagdinig kahapon kung bakit madaling nakapasok sa bansa ang ilegal na droga na nagkakahala ng 6.4 billion pesos.
Ang 604 kilos ng shabu ay natagpuang nakatago sa mga roller printing machine na galing sa China at nasabat ng BOC noong May 26 sa dalawang warehouse sa Valenzuela City.
Binusisi ni Senator Panfilo Lacson ang BOC kung bakit hindi naka-red flag ang EMT trading na siyang consignee sa shipment.
Nakalagay ang naturang container van na naglalaman ng shabu sa klasipikasyon na green lane o hindi na dapat dumaan sa masusing inspeksyon ng customs sa halip na sa red flag
Ayon naman kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon, sinuspinde na niya ang hepe ng RMO na si Lambert Hilario dahil sa umanoy pagmamanipula sa electronic system ng ahensya.
Hugas kamay naman ang consignee maging ang mga broker sa pagpasok ng naturang kontrabando.
Itinuturo rin ng broker ang isang nagngangalang Richard Tan na posibleng nagpadala ng kontrabando na naglalaman ng shabu.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)