Ikinagulat ng Bureau of Customs (BOC) ang naglalabasang mga pahayag mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni Director General Aaron Aquino, tungkol umano sa kapabayaan ng BOC matapos makalusot ang apat na magnetic lifters, na nadiskubre ng PDEA sa GMA, Cavite.
Nilinaw ng BOC na sila ang nakadiskubre sa apat na magnetic lifters na nakita sa Cavite.
Nagkaintindihan ang mga ground officers na magsasagawa ng follow-up operations para sana matukoy kung sino ang may-ari at paano ito nakarating doon.
Pero laking pagtataka ni Commissioner Lapeña na nagpa-presscon na lang ang grupo ni PDEA Director General Aaron Aquino, at dito na nga nagsimula ang isyu ng dalawang ahensya.
Tamang tyempo aniya ang sunod-sunod na paglabas ng mga balita laban sa BOC, kay Lapeña, maging ang mga tauhan nito, dahil wala sa bansa si Lapeña para masagot agad ang alegasyon.
At sa kanyang pagbabalik, sinagot ng opisyal ang mga isyu. Aniya, paraan lamang ito upang mabigo ang kanilang mga repormang ipinatutupad sa ahensiya.
Una na nang sinabi ni Lapeña na matapos madiskubre ang mga magnetic lifters sa Cavite, agad ito bumuo ng fact finding team para maimbestigahan ang kaso.
Aminado rin si Lapeña na may ilang indibidwual na sangkot sa drug syndicate na nakapasok na sa gobyerno, kasama na dito ang PDEA at BOC. Base naman ang statement na ito mula sa matrix na ipinakita ni Pangulong Duterte.
Ang mga pangalang Ismael Fajardo, dating deputy director general ng PDEA at Acierto, ang na-dismiss na opisyal ng PNP ay ang mga indibidwual na nasa dokumentong inilabas ni Duterte, ang listahan ng sinasabing drug syndicate.
Ayon pa sa opisyal, pilit pinag-aaway ng mga drug lords customs at PDEA upang mawala sa kanila ang atensyon ng mga otoridad.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: BOC, Commissioner Lapeña, pdea