Ipinaliwanag ng Civil Service Commission ang kanilang posisyon kaugnay ng magiging sakop ng inilabas na memorandum circular number 4 ng Malakanyang kung saan inaatasan ang lahat ng presidential appointees na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay CSC Chairperson Alicia Dela Rosa Bala, hindi kasama sa mga ito ang lahat ng career official na dumaan sa mga hinihinging requirements ng career executive board.
Hindi rin sakop ng memo ang mga presidente ng State Universities and Colleges kung saan ayon sa CSC ay hindi naman mga presidential appointee kundi mga hinalal ng kani-kanilang board.
Ang ibang heads rin ng government owned and controlled corporations na halal rin ng board ay hindi rin maapektuhan ng kautusan.
Ayon sa CSC, sasakupin lamang ng naturang memo ang mga walang security of tenure o non-career positions.
Maaaring tanggalin ng pangulo anumang oras ang mga co-terminus position tulad ng mga miyembro ng gabinete at mga temporary position.
Sa kabila nito, ayon kay Albay Representative Edcel Lagman posibleng lumalabag sa saligang batas ang naturang memo.
Ayon naman sa legal affairs office ng CSC, walang paglabag sa mga umiiral na polisiya ang naturang memo.
Ang nasabing memo order ay hindi rin aniya kahalintulad sa inilabas na letter of instruction noong September 1972 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi naman ng CSC Chair na nagpadala na rin sila ng sulat sa office of the executive secretary upang linawin kung sinu sino ang exempted sa nasabing memorandum circular.
(Nel Maribojoc/UNTV Radio)
Tags: Civil Service Commission, memorandum circular number 4