Libong pribadong sasakyan na kabilang sa App Based Transport Service ang nag-apply na ng prangkisa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board
Ayon sa Transport Network Company na Grabcar, may-ari din ng grab taxi, ngayong araw ay nasa 1 libo ang inaasahan nilang mag-aapply para sa Transport Network Vehicle Service o TNVS.
Ito ay magsisilbing prangkisa ng mga pribadong sasakyan na nagparehistro sa Transport Network Company upang maging legal ang pagsasakay nila ng mga pasahero gaya ng taxi.
Ayon sa Grabcar, aabot sa 2 libong sasakyan ang inaasahang nilang kukuha ng prangkisa sa mga susunod pang araw.
Makakasakay sa isang App Base Transport Service sa pamamagitan ng pagda-download ng application sa smart phone gaya ng Grabcar kung saan masasabi ng isang pasahero kung saan siya susunduin.
Ayon sa operator at kumpanyang Grabcar, mas kumbinyente ito sa mga pasahero kumpara sa taxi.
Ngunit puna naman sa Presidente ng Philippine National Taxi Operators na si Quezon City Councilor Bong Suntay, bakit maluwag ang proseso ng pagbibigay ng prangkisa ng LTFRB sa app base transport service kumpara sa mga taxi na dumadaan sa masusing inspeksyon.
Ikinumpara din ni Suntay ang pasahe sa taxi na regulated kumpara naman sa app base transport service na mas mataas ng 30% ang pasahe.
Naeengganyo ang mga operator na magparehistro sa mga TNV dahil narin sa mas madaling pagkuha ng prangkisa at mas malaking kita. ( Rey Pelayo / UNTV News)
Tags: Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Philippine National Taxi Operators