Sampung araw mula ng pumutok ang krisis sa Marawi City, naglakas loob si Riham Umpat na magbukas ng tindahan upang kahit papaano ay kumita. Pero wala pa sa kalahati ang kinikita niya ngayon kumpara sa nagiging benta nila noong wala pa ang gulo.
Binuksan na rin ni Sohayla Pacalna ang kaniyang souvenier shop pero sa madalas, wala silang napapala sa maghapon. Bagamat idineklarang malaya ang syudad, malaking porsyento pa ng mga negosyo sa Marawi ang hindi pa nakapagbukas dahil hindi pa pinababalik sa lungsod ang karamihan sa mga residente.
Sa ngayon, dumadaing na ang mga ito dahil sa laki na ng nalugi sa kanila lalo na ang mga pwestong nasa main battle area. Aminado din ang lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur na apektado ang ekonomiya ng lalawigan dahil sa Marawi Crisis. Bukod sa negosyo, maraming agricultural crops, warehouse, rice mills at fishing materials ang nasira.
Sa mga unang buwan ng babakbakan, bilyun-bilyong piso na agad ang halaga ng pinsalang idinulot nito. Umaasa ang mga negosyante sa lungsod na babalik na sa normal ang sitwasyon sa Marawi sa lalong madaling panahon. Subalit matagal na panahon din anila ang bibilangin bago mabawi ng mga negosyante ang tinamong lugi.
( Weng Fernandez / UNTV Correspondent )
Tags: lugi, Marawi, negosyante