Mga negosyante sa Baguio City, apektado ng patuloy na pag-ulan

by Radyo La Verdad | August 22, 2018 (Wednesday) | 8657

Araw-araw ay nakararanas pa rin ng malalakas na pag-ulan sa Baguio City.

Bagamat wala ng mga naiiulat na mga landslide at nagbukas na rin ang karamihan sa mga kalsadang paakyat sa syudad, maliban na lamang sa Kennon Road, madalang pa rin ang mga turistang nagtutungo sa summer capital ng bansa.

Ang ilang pamilya, lalo na ang mga galing sa ibang bansa, nagtyatyagang maglibot sa tourist spot sa syudad kahit na maulan upang masulit lamang ang kanilang pagbyahe.

Dahil dito, dumadaing na ang mga business owner sa syudad, lalo na ang mga may-ari ng tindahan ng pasalubong.

Anila, kung dati ay kumikita sila ng hanggang sampung libo bawat araw, ngayon ay maswerte na anilang kumita ng limang libo na pambawi lang ng kanilang puhunan.

Maging ang mga hotel, inns at iba pang tuluyan sa syudad, apektado rin ng matumal na pagdating ng mga turista.

Wala naman umano silang magawa dahil wala rin silang alternatibong mapagkakakitaan kapag ganitong panahon.

Panawagan ng mga ito sa pamahalaan at iba pang mga mamumuhunan, sana ay makagawa ng mga proyektong makatutulong sa kanila at makabuo ng mga konseptong upang tangkilikin at masiyahan ang mga turista kahit na panahon ng tag-ulan.

 

( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,