Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sinomang negosyante na personal na magsumbong sa kaniya kung may na-engkwentrong insidente ng katiwalian sa pamahalaan upang maipakita na seryoso siyang resolbahin ang katiwalian.
Ito ang kaniyang ipinahayag sa kanyang talumpati kagabi sa Pasig City nang ilunsad ang motor flagship vehicle ng Guangzhou Automobile Group, isang Chinese automobile maker.
Ayon sa punong ehekutibo, mabisang pagtutuwid sa mga tiwaling kawani ng pamahalaan ang maipahiya sila sa kanilang mga maling gawain. Paghaharap-harapin niya umano ang mga inirereklamo at nagrereklamo.
Inaanyayahan din ng punong ehekutibo ang business community sa bansa na tumulong sa pagresolba ng mga suliraning nakapipigil sa patuloy na pag-unlad ng bansa tulad ng kriminalidad, iligal na droga at korupsyon.
Samantala, naroon din sa naturang event ang dating Ilocos Sur governor at kasalukuyang councilor ng bayan ng Narvacan na si Luis Chavit Singson.
Si Singson ay presidente at chairman ng Legado Motors, nag-iisang distributor ng Guangzhou Automobile sa bansa.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang pagpasok ng bansa ng Guangzhou Automobile ay magbibigay sa mga Pinoy consumer ng mas maraming pagpipiliang motor vehicles.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Guangzhou Automobile Group, negosyo, Pangulong Duterte