Mga negosyante, hinikayat na pumasok sa micro-financing program ng DTI

by Radyo La Verdad | February 3, 2017 (Friday) | 1164


Inilunsad na ng Department of Trade and Industry sa Visayas ang P3 o Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Program.

Isa itong micro-financing program na maaaring i-avail ng mga nais umutang para sa kanilang negosyo ngunit nasa two-percent lamang ang ipapataw na interes kada linggo.

Ito ang pantapat ng pamahalaan sa 5-6 lending scheme na ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, sa Visayas nila inilunsad ang programang may pondong isang bilyong piso dahil maraming maliliit na negosyante rito ang nangangailan ng tulong.

Naniniwala si Sec. Lopez na mas pipiliin ng mga negosyante na umutang sa P3 na mas mababa ang taunang patubo kumpara sa 20-percent daily rate ng 5-6.

Pinadaan nila ang programang ito sa micro-finance institution para matiyak na hindi sila tatakbuhan ng mga mangungutang.

Sa mga nais mag-avail ng P3, magsadya lang sa DTI Office para sa impormasyon hinggil sa partner micro-finance institution.

(Jenelyn Gaquit / UNTV Correspondent)

Tags: ,