Mga natenggang container na naglalaman ng 300,000 plaka sa Port of Batangas, mailalabas na-BOC

by Radyo La Verdad | April 7, 2016 (Thursday) | 2940

BOC-COMMISIONER-ALBERTO-LINA
Tiniyak ng Bureau of Custom na sa lalong madaling panahon ay mailalabas na sa Port of Batangas ang labing-isang container van na naglalaman ng tatlong daang libong plaka ng sasakyan.

Ayon kay Customs Commissioner Alberto Lina, iti-turnover nila sa Land Transportation Office ang mga plaka upang agad nang maibigay sa mga motoristang matagal ng naghihintay.

Natengga sa Batangas Port ang mga plaka matapos mabigo ang consignee nito na magbayad ng P40-million na duties and taxes.

Nag-ugat ang pagkaka-delay ng kargamento sa kwestiyon ng Commission on Audit sa bidding ng LTO na umano’y labag sa government procurement reform act.

Noong April 2015, naglabas ng notice of disallowance ang COA matapos umanong mabigo ang lto na magbigay ng dokumento hinggil sa pag-aaward ng P3.8 billion contract sa Dutch company na Knieriem BV Goes at Power Plates Development Concept.

Iniimbestigahan rin ito matapos mapaulat ang di-umano’y pagpabor sa kumpanya sa kabila ng kawalan nito ng kakayahang pinansyal.

Ayon kay Commissioner Lina, kapag nailabas na ang mga plaka ay mareresolba na ang backlog sa pagi-isyu ng vehicle plates.

Hindi naman binanggit ni Lina kung pinayagan na ng COA ang motion to lift the notice of disallowance na inihain ng LTO noong 2015.

Samantala, sinabi rin ng BOC na handa nilang ibigay sa mga magsasakang apektado ng El Nino phenomenon ang mga nakumpiska nilang sako-sakong bigas.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng Customs ang report ukol sa naharang na panibagong sampung container ng bigas at kung maaari na itong ipamahagi sa mga nangangailangan.

(Sherwin Culubong/UNTV NEWS)

Tags: , , ,