Mga nasugatan sa 2 magkahiwalay na aksidente sa Pampanga, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 28, 2015 (Monday) | 1891

TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring aksidente sa kahabaan ng Mc Arthur Highway sa Barangay Quebiawan sa San Fernando City, Pampanga pasado alas-dos ng madaling araw noong linggo.

Kinilala ang mga biktima na sina Denmark Mitales, driver ng motorsiklo at mga angkas nito na sina Mhariz at Rachelle Regala.

Nagtamo ng mga sugat sina Denmark at Rachelle sa iba’t-ibang bahagi ng katawan, samantalang si Mhariz naman ay nagkaroon ng malaking bukol at pagdurugo sa ulo.

May sugat rin ito sa kaliwang kamay at posibleng bali sa kanang kamay.

Ayon sa mga biktima, pauwi na sila sa kanilang bahay sa barangay Del Rosario nang bigla silang banggain sa likod ng isang tricycle.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang tatlo sa kalsada.

Matapos lapatan ng paunang lunas ang mga sugat ng mga biktima ay inihatid na sila sa Jose B. Lingad Hospital

Wala namang injury ang driver ng tricycle na dinala sa istasyon ng pulisya upang imbestigahan.

Samantala, sa bahagi naman ng Angeles City ay isa pang lalaking naaksidente sa tricycle.ang tinulungan ng UNTV News and Rescue team kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Jhupert Evangelista na nakaramdam ng pananakit sa paa matapos siyang maipit nang maatrasan ng kotse ang kanilang traysikel.

Matapos bigyan ng paunang lunas ay inihatid na ng Rescue Team sa ospital ang biktima kasama ang mga magulang at kapatid nito.

Nangako naman ang driver ng kotse na sasagutin ang gastos sa ospital ng biktima. (Joshua Antonio/ UNTV News)

Tags: , , ,