Mga nasangkot sa aksidente sa Davao City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team at iba pang rescue unit

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 3475

Duguan ang 19 anyos na pahinante ng isang water truck matapos na bumangga ang sasakyan sa puno sa buhangin flyover sa Davao City, pasado alas onse ng gabi noong Biyernes.

Naipit sa nayuping unahang bahagi ng truck ang biktima kaya naman magkakatuwang na rumesponde ang UNTV News & Rescue, Kabalikat Rescue Group, Central 911, Travmoc at iba pang rescue groups sa Davao upang mailigtas ang binata. Kinilala ang biktima na si John Carlo Cagaca na nagtamo ng sugat sa mukha at possibleng bali sa kanang binti.

Naialis naman agad ng mga rescue unit sa pagkakaipit ang biktima at pagkatapos ay dinala na ng Central 911 sa Southern Philippines Medical Center kung saan ito kasalukuyang nagpapagaling.

Ayon sa Davao City Police, nawalan umano ng preno ang truck habang binabagtas ang buhangin flyover at mas pinili ng drayber na ibangga ito sa puno.

Nilapatan naman ng UNTV News and Rescue  ng pangunang lunas ang sugat sa kaliwang kamay na tinamo ng driver ng truck  na si Juanito Gutierez Jr., 36 taong gulang. Pagkatapos mabigyan ng first aid ay tumanggi na itong magpadala sa ospital.

 

( Dianne Ventura / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,