Mga naputukan ngayong taon, mas mababa ng 52% kumpara noong 2017

by Jeck Deocampo | January 3, 2019 (Thursday) | 4878
File photo: PVI/ Paulo Reccion

METRO MANILA, Philippines – Mas paiigtingin pa ng Department of Health (DOH) ang kanilang kampanya laban sa pagpapaputok tuwing magpapalit ang taon.  Lalo na’t maganda anila ang naging resulta nito ngayong 2019 dahil sa mas mababang bilang ng mga naputukan.

Mula December 21, 2018 hanggang kahapon, January 2, 2019,  mahigit 200 ang naitalang bilang ng mga biktima ng paputok.  Ngunit ayon sa kagawaran, kung ikukumpara ito noong 2017, mas mababa pa rin ng 52% o 256 na kaso ng biktima ng paputok. 71% o 578 na kaso rin ang ibinaba nito kung ikukumpara sa nagdaang limang taon.

“Meron pa rin tayong walong naputulan ng daliri, 61 na tinamaan sa mata. Gusto pa rin natin na bumaba ito,” ani DOHUndersecretary Eric Domingo.

Batay sa ulat ng DOH, pinakamarami pa rin ang nabiktima ng paputok sa Metro Manila, pumapangalawa naman ang Ilocos region at pangatlo ang Western Visayas.

Kwitis ang nangunguna sa listahan ng mga paputok na nakapinsala sa mga biktima.

Dagdag ni DOH Undersecretary Domingo, “Meron pa rin tayong piccolo, boga at tiyaka, lucis at 5-star ang pinaka-common pa rin na injuries this year.”

Una na ring sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hangga’t maaari ay striktong maipatupad ang paggamit sa mga firecracker zone. Aniya mahigit 100 sa mga firecracker-related injury ay nangyari sa mga kalsada at sa mismong tahanan ng mga biktima.

Malaking porsyento sa mga napuputukan ay mga nakainom o di kaya’y aksidenteng naputukan dahil sa paninigairlyo.

Bukod sa pagbabawal sa paputok, hinihikayat din ng Kagawaran ng Kalusugan ang publiko na iwasan na ang bisyo.

“Yung manginginom kung pwede itigil niyo na rin ‘yan. Dati may sinasabing safe amount of drinking alcohol. Wala nang safe amount kahit na small amount ay meron din banta sa ating kalusugan kaya itigil na  natin ‘yan,” ani DOH Secretary Francisco Duque III.

Tags: , , ,