Mga napaslang sa war on drugs ng pamahalaan, umakyat na sa halos limang libo

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 4018

Umabot na sa mahigit apat na libo at walong daan ang napapatay sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga simula ika-1 ng Hulyo 2016 hanggang ika-31 ng Agosto 2018.

Ayon kay PNP Spokesperson PCSupt. Benigno Durana Jr., ang mga napaslang ay mula sa mahigit isang daang libong anti-drug operation ng mga otoridad.

Sa naturang mga operasyon mahigit, 155 libong drug suspects naman ang naaresto. Dalawang daan at dalawampu’t tatlong drug dens at labintatlong clandestine laboratory na ang kanilang nabuwag kabilang ang natuklasan ng PDEA sa Pasay City kagabi kung saan nasa mahigit kalahating bilyong pisong halaga ng iligal na droga ang nasabat ng mga otoridad at 5 Hong Kong national ang naaresto kabilang ang 2 chemists.

Kabilang naman sa mga naaresto sa mga operasyon ng mga otoridad ang mahigit limang daang opisyal at empleyado ng pamahalaan. Mahigit dalawang daang miyembro naman ng iba’t-ibang law enforcement agencies ang naalis sa serbisyo dahil sa paggamit ng iligal na droga.

Sa tala naman ng pamahalaan, umabot na sa mahigit walong libo at apatnaraang barangay sa buong bansa ang itinuturing ng drug free.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,