Mga napalayang bilanggo dahil sa GCTA na hindi susuko hanggang Sept. 19, aarestuhin kahit walang utos ng korte – DOJ

by Radyo La Verdad | September 17, 2019 (Tuesday) | 5145

Dalawang araw na lamang bago ang itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para sumuko ang mga bilanggong napalaya dahil sa Good Condict Time Allowance (GCTA). Sa huling datos ng Department of Justice, halos pitong daan pa lamang ang sumusuko sa mga ito at nasa kustodiya ng Bureau of Corrections.

Buo na ang pasya ng DOJ na ipaaresto ang mga inmate na hindi susuko kahit na wala silang warrant of arrest. Pero ayon sa isang law expert, labag ito sa saligang-batas ng bansa.

“Each minute, each hour, each day that you refuse to turn yourself in is a continuing commission of an offense and for that reason, law enforcement agencies may arrest you even without a warrant.” Ito ang naging posisyon ng Department of Justice ukol sa warrantless arrest na maaaring gawin ng Philippine National Police sa mga heinous crime convicts na napalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA). Ito ay kung hindi susuko matapos ang September 19-deadline na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Handa rin ang DOJ sa sinoman sa nagnanais na iakyat ang isyu na ito sa korte.

“He may go to court and ask for any relief you wish to obtain from the court, but for now that is how we intend to do it and the DILG (Department of the Interior and Local Government) through the PNP (Philippine National Police) is ready to do so after the 19th,” ani DOJ Sec. Menardo Guevarra.

Ngunit  ayon kay Pamantasan ng Lungsod ng Maynila College of Law Dean Attorney George Erwin Garcia, malinaw na paglabag ito sa konstitusyon. Base sa Bill of Rights ng constitution, may karapatan ang lahat ng tao sa due process at maaari lamang madetine kung may warrant of arrest na inihain ang korte o kung nahuling ginagawa ang isang krimen.

Ayon kay Garcia, maaaring maghain ng petition for habeas corpus sa Korte Suprema ang sinomang convict na nagnanais hamunin ang hakbang na ito pamahalaan.

Sa pamamagitang ng habeas corpus, inuutusan nito ang isang indibidwal o opisyal ng gobyerno na may kustodiya sa isang tao na dalhin ito sa korte upang mapagpasiyahan kung legal o hindi ang pagkakadetine nito.

Base sa huling datos ng DOJ, sa 1,914 na bilanggo na maagang napalaya sa ilalim ng GCTA, 692 na ang sumuko at nasa kustodiya na ng Bureau of Corrections.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , ,