Mga naoospital dahil sa COVID-19 sa Metro Manila, bahagyang dumami

by Radyo La Verdad | June 28, 2022 (Tuesday) | 11395

METRO MANILA – Limang lungsod sa Metro Manila ang nakitaan ng Department of Health (DOH) ng muling pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19.

Ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kumpara sa mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa mga nakalipas na Linggo, biglang tumaas ang bilang nito sa Quezon City, Pasig, San Juan, Marikina at Pateros.

Ayon sa Octa Research Group, mula sa 3.9% positivity rate sa NCR noong June 18, umakyat na ito sa 5.9% noong June 25.

Batay sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), hindi dapat lalagpas sa 5% ang COVID-19 positivity rate.

Una nang sinabi ng DOH na posibleng tumaas ng hanggang 2,000 ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sa katapusan ng Hulyo.

Kasabay ng muling pagdami ng COVID-19 cases, nakitaan ng DOH ng bahagyang pagtaas sa hospital admission ang ilang lugar sa NCR.

Gayunman, ayon kay Usec. Vergeire, karamihan parin sa mga COVID-19 patient na naaadmit sa ospital ay mild at asymptomatic o nasa mild to moderate risk lamang.

Maging ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI), nakikitaan rin ng pagtaas sa COVID-19 bed utilization rate ang ilang private hospital sa metro manila at kalapit probinsiya.

Pero ayon kay Dr. Jose de Grano, president ng PHAPI, kung mananatiling mild lamang ang mga kaso, kakayanin pa rin ito ng mga ospital.

Sa tala ng DOH as of June 26, 2022, nasa 3,017 na ICU beds para sa COVID-19 patients sa buong bansa ang okupado pa at nasa 2,570 or 85% naman ang bakante. Habang 5,316 namang ang okupado sa non-ICU beds at 81% o 21,750 naman ang bakante.

(Janice Ingente | UNTV News)

Tags: ,