Mga nangongontratang taxi driver, sinita ng LTFRB sa NAIA

by Radyo La Verdad | December 18, 2017 (Monday) | 4834

Bilang bahagi ng Oplan Isnabero sa mga pasaway na taxi driver ngayong holiday season, nagsagawa ng inspeskyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 kagabi.

Mismong si Atty. Aileen Lizada, spokesperson ng LTFRB ang nag-abang at nanita sa mga nangongontrang taxi driver na namimili ng mga isasakay na pasahero.

Kabilang sa nasampolan si Magno Paredes Jr., na inirereklamo ng isang pasahero dahil sa pagsasabi nito ng kahit magkano at si Jose Salcedo na nagpresyo ng P150 sa kaniyang pasahero na papunta lang ng Buendia. Nagpakilala rin umano itong barangay tanod sa Quezon City.

Ayon kay Atty Lizada, bawal na bawal ang mga ganitong klaseng istilo ng mga tsuper dahil sinasamantala nito ang mga pasahero.

Ikinuwento niya rin na sa kaniyang pag-iikot ay may mga taxi na hindi nakapila sa taxi lane dahil ang katwiran ng mga ito ay gagarahe na sila pero sa totoo ay nag-aabang lang din ng mga pasahero.

Dinala ang dalawang taxi sa impounding area ng LTFRB sa Nayong Pilipino na maaaring tumagal doon ng tatlong buwan habang posibleng pagmultahin ng ng p120,000 ang operator ng taxi.

Samantala, nagbabala naman ang LTFRB sa publiko na i-report agad sa kinauukulan kapag nabiktima sila ng mga nangongontratang taxi driver.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,