Mga nalason ng lambanog sa Laguna, naka-confine sa PGH

by Erika Endraca | December 24, 2019 (Tuesday) | 2775

METRO MANILA – Mahigpit pa ring mino-monitor ng mga doktor ang 9 sa 68 mga pasyenteng nakainom ng lambanog na ngayon ay nasa nasa Philippine General Hospital (PGH).

Para tiyak na mailigtas sila sa panganib kailangan umanong maobserbahang mabuti ang kanilang kundisyon.

“Yun pong mga pasyente natin na nasa ER (Emergency Room) lalo na po yung mga unstable yung nasa red, isa po ay nasa ICU (INTENSIVE CARE UNIT), siya po ay dina-dialysis para matanggal po yung acid sa kaniyang dugo yun naman pong 6 po, naiakyat na sa ward siyempre minomonitor pa at 2 na lang po ang nasa emergency room)” ani Philippine General Hospital Spokesperson, Dr Jonas Del Rosario.

Kinumpima naman ng tagapagsalita ng PGH na si Doctor Jonas Del Rosario, na ang mga ito ay nalason dahil sa ininom na lambanog.

“It’s methanol poisoning, ganyan po ang signs and symptoms ng methanol toxicity at na-confirm na po at nakausap na po namin si Mayor Munoz”ani Philippine General Hospital Spokesperson, Dr Jonas Del Rosario.

Nakaswero pa rin ang mga iba pang pasyenteng nakitaan na rin ng sintomas ng methanol poisoning tulad ng pananakit ng ulo, pagkahilo at pagsakit ng tiyan.

Sa ulat pa ni Del Rosario, nasa stable condition na rin ang mga menor de edad na nakainom rin ng lambanog na may edad mula 13 hanggang 16.

Ang ilang nakainom rin ng lambanog na walang nararamdaman sa katawan kasama pa rin sa inoobserbahan ng mga doktor.

Ayon sa PGH, posibleng ngayong Linggo ay makalabas na ang karamihan sa mga pasyenteng ito.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: