Mga nakilahok sa Philippine Rise Commemoration 2018, kinilala at binigyang-pugay ng AFP

by Radyo La Verdad | July 2, 2018 (Monday) | 3577

Sa isang simpleng pagtitipon at salu-salo nitong Biyernes ng gabi, kinilala ng Sandatahang Lakas ang naging ambag ng mga diver at sibilyan sa Philippine Rise Commemoration noong Mayo.

Binigyan din ng commemorative coin bawat isa sa isandaan at dalawampung mga diver na kasama sa flag-hoisting. Makikita dito ang bandila ng Pilipinas na itinanim sa Philippine Rise at nakaukit sa likurang bahagi ang mga salitang united, strong at passionate.

Ayon kay Lieutenant General Emmanuel Bautista, ang commander ng Northern Luzon Command, ipinapakita nito kung gaano kasidhi ang nagkakaisang damdamin ng mga sibilyan at sundalong pilipino sa paggiit sa soberanya ng bansa sa naturang teritoryo.

Kabilang sa mga tumanggap ng commemorative coin ang UNTV Dive Team na sa ikalawang sunod na pagkakataon ay naimbitahan sa flag-hoisting event sa Philippine Rise. Ang UNTV ang gumawa ng official video documentation ng event.

Ayon kay Luis Heredia, ang Argentinian dive instructor at marine biologist na host ng programang “The Dive PH” ng UNTV, malaki ang kanyang pasasalamat na naging bahagi siya ng flag-hoisting kahit isa siyang dayuhan.

Ayon naman kay PBA Party-list Representative Jericho Nograles na kasama ring nagtungo sa Philippine Rise, nasaksihan niya dito kung gaano kahanda ang mga sibilyan na makiisa sa Sandatahang Lakas upang maitanyag sa buong mundo ang damdaming makabayan ng mga Pilipino.

Taong 2012 nang inaprubahan ng United Nations ang pag-aangkin ng bansa sa Benham Rise. Mayo 2017 naman ng pormal na ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalit ng pangalan ng Benham Rise sa Philippine Rise.

Bukod sa Philippine Rise, magkakaroon din ng kaparehong flag-hoisting sa ilang mga isla sa iba’t-ibang panig ng bansa upang igiit ang pagmamay-ari dito ng Pilipinas.

 

( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )

Tags: , ,