Mga nakikiisa sa truck holiday, kakasuhan ng economic sabotage ng DOTr

by Radyo La Verdad | November 22, 2018 (Thursday) | 6846

Pinag-aaralan na ngayon ng Department of transportation ang epekto ng ginagawang tigil-operasyon ng mga trucker.

Ayon sa kagawaran, kung makikita nila na presente lahat ng elemento ng economic sabotage, sasampahan nila ng kaso ang mga nakikiisa sa truck holiday.

Ngunit ayon sa DOTr, kung makikipag-usap sa kanila ang mga trucker at ititigil ang kanilang protesta ay hindi nila itutuloy ang pagsasampa ng kaso.

Pinabulaanan naman ng DOTr ang sinasabing 15-year-old phase out rule.

Ayon sa kagawaran, ang road worthiness ang siyang pagbabatayan para ma-phase out ang isang pampublikong sasakyan gaya ng mga truck.

Kailangang pumasa sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) ang lahat ng mga public utility vehicles (PUV) bago ito payagan na makapag-operate.

Pero ang mga trucker, kabado sa pahayag na ito ng DOTr. Ito ay dahil ang pinanghahawakan umano nila ay ang Department Order No. 2017-009 na nagtatakda ng edad para ma-phase out ang mga truck.

Samantala, sa susunod na linggo ay maglalabas na ng solusyon ang DOTr sa problema ng empty container congestion sa pantalan.

Kinausap na ng DOTr ang mga shipping lines upang mapagkasunduan kung ano ang gagawin sa tambak na mga empty container sa Manila Port Area.

Aminado ang Philippine Ports Authority (PPA) na mayroon talagang congestion ng mga empty container sa Manila Port Area, pero minimal pa lamang daw umano epekto nito sa takbo ng ekonomiya ng bansa.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,