Mga nagpaputok ng baril noong holiday season, hahanapin at pakakasuhan ng PNP

by Radyo La Verdad | January 5, 2016 (Tuesday) | 1837

INDISCRIMINATE-FIRING
“We will run after you and file cases against you.”

Ito ang ipinahayag ni PNP Chief PDG Ricardo Marquez laban sa mga nagpaputok ng baril at tila ipinagyayabang pa nang i-post sa social media.

Ayon sa heneral, ang mga video ay nasa PNP Anti-Cybercrime Group na upang suriin ang authenticity.

Kung mapatutunayang authentic ito, hindi titigil ang pambansang pulisya hangga’t hindi nahuhuli ang mga ito upang masampahan ng kaso.

Base sa datos ng PNP, sa 54 insidente ng stray bullet, 41 ang tinamaan ng ligaw na bala simula noong Dec.16.

Ngunit kung tutuusin, mas mababa pa rin ito sa 64 na insidente noong isang taon; na46 ang nabiktima kabilang ang isang namatay.

Sa 11 insidente naman ng illegal discharge of firearms ngayong taon, 9 na ang nahuli ng pnp kabilang ang 7 sibilyan, 1 pulis at 1 security guard.

Mababa rin ito kumpara noong isang taon na may 24 na insidente, 18 ang naaresto kabilang na ang 8 pulis.

Tiniyak din ng opisyal na tatanggalin na serbisyo si PO1 Francis Flake na nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa Taguig na nagpaputok ng baril sa tapat ng isang restaurant sa Malate.

At dahil sa walang takot na pagpapaputok ng baril ng ilang mga sibilyan, nais ng heneral na irekomenda sa mga mambabatas na amyendahan ang Republic Act 7183 upang magkaroon ng mas mabigat na parusa ang mga mahuhuling nagpapaputok ng baril.

Base sa kasalukuyang batas, nasa 200 piso lamang ang multa o isang araw hanggang isang buwan na pagkakalulong ang parusa sa kasong alarm and scandal.

Habang anim na buwan hanggang anim na taon naman sa illegal discharge of firearms.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: , , ,