Mga nagkabuhol-buhol at nakalaylay na mga kable sa Boracay, sunod na lilinisin ng Inter-Agency Task Force

by Radyo La Verdad | November 20, 2018 (Tuesday) | 8347

Tuloy-Tuloy ang ginagawang rehabilitasyon sa isla ng Boracay. Bukod sa paglilinis sa dagat at pagmo-monitor kung sumusunod sa environmental laws at mga bagong patakaran ang mga establisyimento.

Sunod namang aayusin ng Task Force Boracay ang mga eye sore na TV, internet at telephone cables na isa sa mga napupuna ng mga turista sa isla.

Bunsod nito, isang free will cutting ang isasagawa ng task force at ng DPWH simula sa ika-30 ng Nobyembre.

Ayon kay DENR Undersecretary Sherwin Rigor, magkakaroon ng tatlong bahagi ang pagsasaayos ng mga spaghetti wires sa Boracay.

Sa ngayon ay nagpapadala na ng notices ang task force sa mga telco sa isla at binibigyan sila ng hanggang ika-30 ng Nobyembre  upang ayusin ang mga nakalawit na kable.

Sakali namang hindi makasunod ang mga ito pagsapit ng itinakdang petsa, ang task force at DPWH na mismo ang magpagpuputol sa mga naturang spaghetti wires. Ang magagastos dito ay sasagutin rin ng mga telco company.

Target naman ng task force na gawing underground na ang mga kable ng telepeno, internet at cable providers bago matapos ang 2019.

Ang pagsasaayos ng spaghetti wires sa Boracay ay bahagi rin ng rehabilitation efforts ng pamahalaan sa pakikipagtulungan ng mga stakeholders sa Boracay upang gawing maayos ang kalsada sa isla at makaiwas sa anomang disgrasya na maaaring idulot nito.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,