Mga naging testimonya ni Marina Sula sa Korte, pawang hearsay ayon sa abogado ni Atty Gigi Reyes

by Radyo La Verdad | January 28, 2016 (Thursday) | 3354

SANDIGANBAYAN
Muling humarap ngayong myerkules si Marina Sula sa Sandiganbayan 3rd Division sa paglilitis sa kasong plunder
nina Janet Lim Napoles at Atty. Gigi Reyes , co- accused ni Senator Juan Ponce Enrile kaugnay ng pdaf scam.

Ayon kay Sula, pdaf scam witness , alam niyang nakipagtransaksyon si Sen. Enrile kina Napoles dahil sa mga nakita nitong endorsement letters mula sa senate office nito.

Nagpupunta rin aniya si state witness Ruby Tuason sa kanilang opisina na ipinakilala ni Napoles bilang ahente na kumukuha ng komisyon ni Sen. Enrile.

Sinabi rin ni Sula, tinutulungan din niya si Benhur Luy na magbalot ng mga perang komisyon na inilalagay sa isang kahon

May isang beses umano na sumugod si Tuason sa opisina ni Napoles sa discovery suites dahil nagreklamo si Atty Gigi Reyes na kulang ng kalahating milyong piso ang komisyon.

Itinanggi naman ng kampo ni Reyes ang mga sinabi Sula.

Ayon kay Atty. Anacleto Diaz, abogado ni Reyes, puro hearsay ang testimonya ni Sula.

Hinihiling din nito na itanggal sa record ng korte ang mga sinabi nito.

Ngunit ayon kay Presiding Justice Amparo Cabotaje Tang, mananatili sa record ng korte ang testimonya at ang korte nalang ang madedesisyon sa probative value nito.

Tumanggi naman magbigay ng pahayag sa media ang abogado ni Reyes matapos ang hearing.

Bukas muling ipagpapatuloy ang paglilitis nina Reyes at Napoles sa kasong plunder na nagugat sa 172 million pesos na umanoy nabulsa nila mula sa priority development assitance fund o pdaf ni Sen. Enrile.

Bagaman pangunahing akusado rin sa pdaf scam si Sen Juan Ponce Enrile, hindi pa gumugulong ang kanyang trial sa Sandiganbayan dahil sa nakabinbing petisyon sa Korte Suprema.

(Joyce Balancio/UNTV News)

Tags: , , ,