Mga nagawa ng administrasyong Duterte sa nakalipas na 3 taon, ipinagmalaki ng Malacañang

by Radyo La Verdad | July 1, 2019 (Monday) | 8149

MALACAÑANG, Philippines –  Kahapon, Hunyo 30 ang ikatlong taon simula ng manumpa bilang Punong Ehekutibo si Pangulong Duterte. Sa usapin ng pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa bansa, ayon sa Palasyo, bumaba ang antas ng kriminalidad, at nalansag ang aparato ng iligal na droga, higit isang milyong drug personalities rin ang sumuko, at marami rin ang nagpa-rehabilitate. Patuloy din ang pagtugis sa mga rebeldeng komunista at teroristang grupo.

Gayunman, naging maingay ang pagtuligsa sa anti-drug war ng Pangulo sa loob at labas ng bansa at tuluyan na ring natigil ang pormal na usapang pangkapayapaang sa National Democratic Front.

Bukod dito, sa usapin naman ng pag-aangat ng antas ng pamumuhay ng mga mamamayang Pilipino, ilang batas at Executive Order din ang pinirmahan ni Pangulong Duterte tulad ng free tuition sa mga State Universities and Colleges, libreng irigasyon para sa mga magsasaka, libreng internet access sa mga pampublikong lugar, pagkakaroon ng feeding program para sa mga public school students, Universal Health Care Program, libreng medisina para sa mga indigent patients, mandatory Philhealth coverage para sa mga persons with disabilities, mas mataas na SSS pension para sa mga seniors, dobleng sweldo para sa mga sundalo, pulis, jail officers at firemen at iba pa.

Ipinagmalaki rin ni Secretary Panelo ang Independent Foreign Policy ng administrasyong Duterte na pagtatanggal sa kinaugaliang pagiging palasunod sa kagustuhan ng western countries at pagkakaroon naman ng mas mabuting ugnayan sa mga bansang Russia at China. Ito aniya ang naging dahilan ng pagbalik ng Balangiga bells sa bansa mula sa Estados Unidos at pagbabalik ng mga tone-toneladang basurang iligal na napadpad sa Pilipinas mula sa Canada.

Gayunman, nagiging mainit naman ang usapin at pagkwestyon sa pakikitungo ng administrasyong Duterte sa China sa isyu ng pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Marami pang binanggit na accomplishment ang Malacañang sa first half term ni Pangulong DuterteAt ayon sa palasyo, nagawa ni pangulong duterte ang lahat ng ito habang may pagkakataon ang mga kritiko at naninira sa pangulo na isapubliko ang kanilang mga hinaing. At sa kabila ng political noise at black propaganda laban sa Pangulo, wala aniyang sinampahan ng kaso ang Pangulo sa sinuman sa kanila.

Marami na aniyang nagawa sa loob ng tatlong taon ang Duterte administration.

Mayorya na rin aniya ng mga Pilipino ang humahanga sa mga naabot ni Pangulong Duterte, subalit mas marami pa ang maaaring ma-accomplish sa nalalabing mga taon nito sa panunungkulan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,