Mga nabulok na relief goods sa warehouse sa Tacloban, pinaiimbestigahan na ng DSWD

by Radyo La Verdad | December 3, 2015 (Thursday) | 6553

DINKY-SOLIMAN
Mananagot ang mga nagpabayang personel.

Ito ang tiniyak ni DSWD Secretary Dinky Soliman kaugnay sa mga nabulok relief goods mula sa Tacloban warehouse.

Ayon sa kalihim, nagpadala na siya ng mga tauhan upang siyasatin kung bakit nabulok ang mahigit sa 200 family food packs.

Nilinaw ni Soliman na hindi ito lahat bigas kundi may kasamang gatas, kape at de lata.

“Yun nga yung inaalam namin kung bakit hindi agad naipamigay. Pero ang isa kong alam na dahilan na binigay na sa akin nung Regional Director huli nang dumating galing sa Cebu kasi ito yung inorder namin thru pitc.” Pahayag ng kalihim

Natuklasan ang mga nabubulok na food packs noong November 26 na binaon lingid sa kaalaman ni Secretary Soliman.

Ang mga nabulok na relief goods ay para sana sa mga nasalanta ng bagyong Rubi sa Eastern Visayas noong 2014.

Sa ngayon ay hindi pa suspendido ang 2 DSWD Personel sa Eastern Visayas na iniuugay sa pangyayari , subalit sa oras na matapos ang imbestigasyon at mapatunayang nagpabaya ang mga ito ay papatawan ng kaukulang parusa.

Tiniyak naman ng kalihim na mas maayos na ang ginagawa nilang pageempake ngayon ng mga relief goods lalo na’t ginagamitan na ito ng mechanized food repacking sa National Resource Operation Center sa Pasay.

Kaya nitong mag-repack ng 50 pack ng relief goods kada araw at tatagal ng 8 buwan bago ma expire.

Sa ngayon ay may 130k food packs ang naka-imbak sa National Resource Operation Center sa Pasay.

Ito ay para sa prepositioning o paghahanda kung sakaling magkaroon ng kalamidad sa bansa.

Samantala, nasagawa ngayon huwebes ng ground breaking ceremony sa itatayong bagong warehouse sa tulong ng Australian Government. (Rey Pelayo/UNTV News)

Tags: , ,