Mga nabakunahan sa unang 2-araw ng Bayanihan, Bakunahan 3, 1.3 million lang

by Radyo La Verdad | February 14, 2022 (Monday) | 12704

Mas mababa sa inaasahan ang bilang ng mga nabigyan ng Covid-19 vaccine sa ikatlong round ng National Vaccination Drive.

Mula noong Feb. 10 hanggang 11, umabot lamang sa 1.3 million ang mga nabakunahan kabilang na ang primary series, booster dose, at pediatric vaccination.

Limang milyong indibiwal sana ang target ng pamahalaan na mabakunahan sa Bayanihan Bakunahan 3.

Dahil dito minabuti na lamang na i-extend ang National Vaccination Drive hanggang sa Biyernes February 18, para mas marami pang mabakunahan at maabot ang target.

“Tuloy-tuloy po yung ating Bayanihan Bakunahan program 3 kung saan in-extend na po natin hanggang February 18 yung ating target date para po mas marami tayong mabakunahan na mga kababayan. For the past 2 days we were able to vaccinate about 1.3 million individuals, ito po ay mababa pa doon sa target na babakunahan na limang milyon,” pahayag ni Usec. Maria Rosario Vergeire, Department of Health.

Ayon kay DOH Spokesperson, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, niyu-utilize na nila ang mga vaccinators para magbahay-bahay upang hanapin ang mga hindi pa nagpapabakuna.

Samantala, umabot naman sa mahigit 52,000 ang nabakunahang 5 to 11 years old kaalinsabay ng Bayanihan Bakunahan 3.

Ayon sa DOH, maliit lamang ang bilang ng adverse reactions na naitala mula sa mga bata.

“Out of this 52,000 plus children, apat lang po yung nagkaroon ng reaction and all of those were minor. Meron pong nagpantal, merong hong sumakit ang ulo at ito naman po ay agad po nating na-manage at nakauwi naman po ang ating mga kabataan,” dagdag ni Usec. Maria Rosario Vergeire.

Inaasahan namang sisimulan na rin ngayong linggo ang national roll-out ng pediatric vaccination sa naturang age bracket.

Kabilang sa mga unang  tututukan sa pagsisimula nito ay ang malalaking rehiyon gaya ng Central Visayas at Southern Mindanao Region.

Makakatuwang ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa pagdadala ng mga supply ng bakuna lalo na sa mga liblib na lugar kung saan mababa pa ang vaccination rate.

JP Nuñez | UNTV News

Tags: , ,