Mga motorista at pasahero, naperwisyo ng mabigat na trapiko matapos bahain ang ilang lugar sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | August 3, 2018 (Friday) | 3187

Walang humpay na bumuhos ang malakas na ulan na nagsimula dakong alas kwatro ng madaling araw kanina.

Dahil dito, agad na binaha ang ilang mga lugar na nagdulot ng matinding traffic sa iba’t-ibang mga kalsada sa Metro Manila.

Sa mga litratong kuha ng ilang netizens, makikita na hindi makadaan ang mga maliliit na sasakyan sa tapat ng gate ng Camp Aguinaldo sa EDSA northbound lane dahil sa baha. Naapektuhan nito ang mga motorista na nanggaling ng EDSA White Plains kaya naman bumara sa kalsada ang mga sasakyan na lalong nakapagpabigat ng trapiko sa EDSA.

Bumper to bumper rin ang sitwasyon ng mga sasakyan kaninang umaga sa bahagi ng Quezon Avenue patungong Welcome Rotunda, na tumukod hanggang sa kahabaan ng España. Bukod sa matinding traffic, stranded rin ang daan-daang mga commuter sa iba’t-ibang mga lugar.

Sa Commonwealth Avenue, sinakop na ng mga pasahero ang halos tatlong lane ng kalsada dahil sa pahirapang makasakay kaninang umaga. Ganito rin ang senaryo sa may España-UST kung saan naglalakad na sa tabi ng kalsada ang mga tao dahil walang masakyan.

Dahil sa epekto ng baha at traffic, kinansela rin kanina ni Mayor Herbert Bautista ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong eskwelahan sa Quezon City.

Ipinaliwanag ng MMDA na sa mga ganitong pagkakataon ay hindi talaga maiiwasan na maperwisyo ang mga motorista at commuters lalo’t panahon ngayon  ng tag-ulan bagaman maayos anila na gumagana ang 57 pumping station sa Metro Manila.

Ayon sa MMDA, hindi nito tuluyang masosolusyunan ang problema sa baha kung patuloy pa ring magtatapon ng basura sa mga daaanan ng tubig ang ating mga kababayan.

Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista at commuters na planuhin ng mas maaga ang kanilang mga pagbiyahe sa mga ganitong panahon upang maiwasan ang  aberya sa kanilang trabaho at eskwela.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,